Hanapan ang Blog na Ito

Sabado, Mayo 9, 2015

Ano at Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?


Ano at Bakit Ayaw sa Akin ng mga Babae?

Siguradong hanga-hanga siya sa akin. Sinabi ko na sa kaniya lahat—ang mga bagay na mayroon ako, mga lugar na napuntahan ko, at mga kakilala ko. Tiyak na gustung-gusto na niyang makipag-date sa akin!
Ano ba? Hindi ba siya makahalata? Paano ko kaya mapuputol ang usapang ito nang hindi ko naman siya mababastos?
NASA edad ka na para makipag-date. Gusto mong makahanap ng isang kapananampalatayang okey para sa iyo. (1 Corinto 7:39) Pero tuwing manliligaw ka, lagi ka na lang “basted.” Ano’ng problema? Sa hitsura lang ba tumitingin ang mga babae? “Gusto ko sa lalaki yung may konting muscle,” ang sabi ni Lisa. Pero hindi lang iyan ang tinitingnan nila. “Hindi komo guwapo, nasa kaniya na ang lahat ng hinahanap namin,” ang sabi ni Carrie, 18.
Ano ba ang “hinahanap” ng mga babae? Kung gusto mong makilala nang higit ang isang babae, anu-ano ang dapat mong pag-isipan? At anu-anong simulain sa Bibliya ang makabubuting tandaan?

Unang Hakbang
Bago ka manligaw, may ilang mahalagang bagay na kailangan mong matutuhan, at makakatulong ito sa pakikipagkaibigan mo kaninuman. Isaalang-alang ang sumusunod.
● Magandang asal. Sinasabi ng Bibliya na ang pag-ibig ay “hindi magaspang ang pag-uugali.” (1 Corinto 13:5, Magandang Balita Biblia) Kung maganda ang ugali mo, ibig sabihin, nirerespeto mo ang iba at sinisikap mong tularan si Kristo. Pero ang magandang asal ay hindi gaya ng damit na isinusuot mo para pahangain ang iba at hinuhubad pag-uwi ng bahay. Tanungin ang sarili, ‘Nagpapakita ba ako ng magandang asal sa bahay?’ Kung hindi, mahahalata ng iba na pakitang-tao ka lang. Tandaan, tinitingnan ng isang matalinong babae kung paano ka nakikitungo sa iyong pamilya para makilala ang tunay na pagkatao mo.—Efeso 6:1, 2.
Ang sabi ng mga babae:



“Gustung-gusto ko yung gentleman kahit sa maliliit na bagay, yung tipong pagbubuksan ako ng pinto. Pero siyempre, dapat sa malalaking bagay rin, yung mabait at makonsiderasyon hindi lang sa akin kundi pati sa pamilya ko.”—Tina.
“Turn off ako sa lalaking bago ko pa lang nakikilala pero napakapersonal na ng mga tanong, gaya ng ‘May boyfriend ka na ba?’ at ‘Ano’ng plano mo sa buhay?’ Nakakainis talaga at nakakaasiwa!”—Kathy.
“Nababastusan ako sa mga lalaking walang pakialam sa damdamin ng mga babae. Akala nila puwede nila kaming paglaruan at desperado na kaming mag-asawa kaya nagmamakaawa kami sa kanila.”—Alexis.
● Kalinisan sa katawan. Ang pagiging malinis sa katawan ay nagpapakita na may respeto ka, hindi lang sa iba, kundi pati sa sarili mo. (Mateo 7:12) Kung iginagalang mo ang iyong sarili, mas malamang na igalang ka rin ng iba. Kung hindi ka malinis sa katawan, hindi mo mai-impress ang babaing nagugustuhan mo.
Ang sabi ng mga babae:

“Yung isang nagkagusto sa akin, ang baho ng hininga. Hindi ko ma-take!”—Kelly.
● Kakayahan sa pakikipag-usap. Nagiging matibay ang samahan kapag maganda ang komunikasyon. Kapag nakikipag-usap ka sa kaibigan mo, dapat na hindi lang puro tungkol sa iyo ang pinag-uusapan ninyo. (Filipos 2:3, 4) Pakinggan at pahalagahan din ang opinyon niya.
Ang sabi ng mga babae:

“Hanga ako sa mga lalaking marunong makipag-usap—yung hindi nalilimutan ang mga sinasabi ko at alam kung ano ang itatanong para tuluy-tuloy ang kuwentuhan.”—Christine.
“Sa tingin ko, kung ang mga lalaki naaakit sa nakikita nila, ang mga babae naman mas naaakit sa naririnig nila.”—Laura.
“Nakakatuwang makatanggap ng regalo. Pero kapag masarap kausap ang isang lalaki, kapag napapagaan niya ang loob mo . . . Wow! ‘Yun ang gusto ko.”—Amy.

“May kakilala akong lalaki na magalang at hindi presko. Napapasarap kami ng kuwentuhan nang hindi siya nagsasabi ng ‘Ang bango mo naman,’ o ‘Ang cute mo ngayon ah.’ Talagang nakikinig siya sa sinasabi ko, at diyan nahuhulog ang loob ng isang babae.”—Beth.
“Siyempre ang gusto ko, ‘yung palabiro pero seryoso ring kausap pagdating sa mga seryosong bagay.”—Kelly.
● Maging responsable. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:5) Hindi magugustuhan ng mga babae ang lalaking hindi nagtatagal sa trabaho dahil tamad siya o nauubos ang oras sa paglilibang.
Ang sabi ng mga babae:
“Gusto ko yung lalaking responsable. Turn off talaga ako sa mga lalaking di-maaasahan.”—Carrie.

“May mga lalaking hindi sigurado sa gusto nilang mangyari sa buhay nila. Kapag may nakursunadahan silang babae, tatanungin nila yung goal niya tapos sasabihin, ‘Talaga? ‘Yan din ang goal ko!’ Pero wala naman talaga silang ginagawa para maabot ‘yun.”—Beth.
Kung susundin mo ang mga mungkahing nabanggit, magkakaroon ka ng mabubuting kaibigan. Pero kung sa palagay mo ay handa ka nang manligaw, ano ang dapat mong gawin?
Ang Susunod na Hakbang
● Magtapat. Kung sa palagay mo ay magiging mabuting asawa ang kaibigang hinahangaan mo, magtapat ka sa kaniya. Huwag magpaliguy-ligoy. Hindi ito madali at talagang nakakanerbiyos. Ayaw mo kasing mabigo. Pero kapag nagtapat ka, ibig sabihin, maygulang ka na. Gayunman, tandaan ito: Hindi mo pa naman siya yayayaing magpakasal. Kaya huwag kang masyadong pormal kasi baka imbes na magustuhan ka niya, mailang siya sa iyo.
Ang sabi ng mga babae:
“Hindi ako nakakabasa ng isip. Kaya kung may gustong manligaw sa akin, kailangan magtapat siya at huwag nang magpaliguy-ligoy.”—Nina.

“Nakakailang kung dati na kayong magkaibigan. Pero hindi ko naman mamasamain kung sasabihin niya sa akin na gusto niya akong makilala hindi lang bilang kaibigan.”—Helen.
● Igalang ang desisyon ng babae. Paano kung sabihin ng kaibigan mo na hanggang magkaibigan lang kayo? Irespeto mo siya—ipakitang naniniwala kang alam niya kung ano ang gusto niya at seryoso siya sa kaniyang desisyon. Kung mangungulit ka pa rin, ibig sabihin, isip-bata ka pa. Kung babalewalain mo ang desisyon niya—o magagalit pa nga dahil ayaw niya sa iyo—kapakanan ba talaga niya ang iniisip mo, o sarili mo?—1 Corinto 13:11.
Ang sabi ng mga babae:
“Naiinis ako kapag sinabi ko na sa isang lalaki na ayaw ko sa kaniya, pero ang kulit pa rin.”—Colleen.

“Sinabi ko sa isang lalaki na hindi ako interesado sa kaniya, pero pilit pa rin niyang hinihingi ang phone number ko. Ayoko siyang ipahiya kasi alam kong naglakas-loob siya para magtapat. Pero bandang huli, kinailangan ko na siyang deretsahin.”—Sarah.
Ang Hindi Dapat Gawin
Iniisip ng ilang kabataang lalaki na habulĂ­n sila ng mga babae. Baka makipagkompetensiya pa nga sila sa kanilang mga kabarkada para malaman kung sino ang pinakamatinik. Pero kung gagayahin mo sila, makakasakit ka ng damdamin at masisira ang reputasyon mo. (Kawikaan 20:11) Maiiwasan mo iyan kung tatandaan mo ang mga sumusunod.
● Huwag mag-flirt. Ang isang flirt ay nambobola at nang-aakit. Wala siyang intensiyong seryosohin ang isang relasyon. Ang gayong kilos at saloobin ay salungat sa payo ng Bibliya na ituring ang “mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:2) Ang flirt ay hindi mabuting kaibigan at hindi rin magiging mabuting asawa. Alam iyan ng isang mahusay na babae.
Ang sabi ng mga babae:
“Turn off ako sa isang lalaki kung pinupuri niya ako pero alam ko naman na noong nakaraang buwan lang, iyon din ang sinabi niya sa kaibigan ko.”—Helen.

“May isang guwapong lalaki na nambobola sa akin, at kuwento nang kuwento tungkol sa buhay niya. Nang may isang babaing mapabarkada sa amin, ganoon din ang ginawa niya. Tapos nang may isa pa uling babae, ganoon na naman ang linya niya. Nakakainis!”—Tina.
● Huwag paglaruan ang damdamin ng babae. Huwag isipin na pareho lang ang pakikipagkaibigan sa babae at pakikipagkaibigan sa lalaki. Bakit? Pag-isipan ito: Kung babatiin mo ang isang kaibigang lalaki sa bago niyang damit o kung madalas kang makipagkuwentuhan sa kaniya at magsabi ng sekreto at problema mo, hindi niya iisiping may gusto ka sa kaniya. Pero kung ganiyan kang makitungo sa isang babae o sasabihin mo sa kaniya na maganda siya, malamang na isipin niyang may gusto ka sa kaniya.

Ang sabi ng mga babae:“Hindi yata alam ng mga lalaki na hindi nila puwedeng tratuhin ang mga babae na gaya ng pagtrato nila sa kanilang mga kaibigang lalaki.”—Sheryl.

“Kukunin ng lalaki ang number ko, pagkatapos magtetext siya. Ano’ng ibig sabihin nun? Puwedeng mahulog ang loob mo sa katext mo, pero paano kayo magkakakilala nang husto kung text lang?”—Mallory.
“Sa tingin ko, walang kaalam-alam ang mga lalaki kung gaano kabilis mahulog ang loob ng babae lalo na kung maalalahanin sila at masarap kausap. Hindi naman sa desperado kaming mga babae. Gusto lang naming ma-in love at mahanap si ‘Mr. Right.’”—Alison.
SA SUSUNOD NA KABANATA
Pag-ibig na nga kaya ang nararamdaman mo? Paano mo malalaman?

TEMANG TEKSTO
“Magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Efeso 4:24.

TIP
Magtanong sa ilang matured na kakilala mo kung anong katangian o kasanayan ang pinakamahalagang pasulungin ng isang binata, at tingnan kung kailangan mo itong pasulungin.

ALAM MO BA . . . ?
Mas mahalaga ang iyong panloob na pagkatao kaysa sa panlabas na hitsura.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Sisikapin kong maging gentleman kapag ․․․․․
Para maging mahusay ako sa pakikipag-usap, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?
● Paano mo maipapakitang may respeto ka sa sarili?
● Paano mo maipapakita na nirerespeto mo ang iniisip at nadarama ng isang babae?

“Akala ng mga lalaki, mapapahanga nila ang mga babae kung guwapo sila o mahusay manamit. Puwede rin naman, pero sa palagay ko mas naaakit ang mga babae sa magandang pag-uugali.”—Kate
Laging tandaan:
Ang magandang asal ay hindi gaya ng damit na isinusuot mo para pahangain ang iba at hinuhubad pag-uwi ng bahay.






="Mr. R"=




ANG KAHALAGAHAN NG DALAWANG URI NG 
KAGANDAHAN 

May mga lalake at babae, na ubod ng ganda, kaso ubod naman ng pangit ang kalooban. Dalawa kasi ang uri ng kagandahan. (a) Panlabas at (b) Panloob. Kaso yung una kong binanggit ang madalas na pinapansin kasi ito yung mas nakikita ng mga tao. Yung pangalawa, hindi mo makikita hangga't makilala mo yung tao.
Ano ba ang kahalagahan ng dalawang ito?
Ang panlabas na kagandahan, ito yung nakakaakit at nakakakuha ng atensyon ng iba. Yung tipong mapapatingin ka ulit at mapapasabi ng "SHET ANG GANDA! SHET ANG GWAPO!" Madalas itong pinagkakaabalahan ng mga tao, kaya nga nauso ang mga cosmetics at plastic surgery para panatilihin ang "ganda" nila.

Pero mahalaga nga ba ito? Sa mga artista at mukha ang puhunan na trabaho, siguro oo. Pero sa iba? Hindi ba't nawawala lang rin ito kapag tumanda na tayo? Mas dapat ba itong pahalagahan kaysa sa pangalawang uri ng kagandahan?


Ang panloob na kagandahan ng isang tao ay hindi sa mukha o sa katawan nakikita...ngunit sa kanyang ugali. Mayroong mga gwapo at magaganda na binabalewala na lamang ito. Akala nila, angat na angat sila dahil kutis baby ang mukha nila, pero sing-baho ng poso negro ang ugali. At dahil dito, nagagawa nilang tapakan ang ibang tao, iniisip na nakakahigit sila.
Mayroon ring mga taong walang pakialam kung ano man ang itsura nila, basta nakakatulong sa kapwa ay okay na. Para sakin, ito ang tunay na kagandahan. Hindi nakikita, pero nararamdaman, at ginagamit sa tama.

Ikaw, tunay ka bang maganda/gwapo? 
smile emoticon
 ..

="Mr. R"=